Isang malaking sketching event ang ginanap sa Thailand
nitong nakaraang November 24-27. Ang programa ay tinawag na Asialink Sketchwalk
Bangkok 2016 kung saan 12 bansa sa ASEAN at Asya ang lumusob sa Bangkok upang
magsagawa ng on-the-spot sketching sa loob ng apat na araw. Binuo ng 350
participants ang pagtitipon mula sa Thailand, Myanmar, Malaysia, Singapore,
Vietnam, Indonesia, Pilipinas, Japan, China, at ilang bisita galing sa US at
Europa.
Ang programa ay inorganisa ng mga grupong Bangkok Sketchers
at Urban Sketchers-Bangkok kung saan ito na ang pangatlong pinakamalaking
sketching event hindi lamang sa Asean region kundi na rin sa buong Asya. Ang
nauna ay ang Penang Sketchwalk na ginawa sa Malaysia at Singapore Sketchwalk na
ginawa nang nakaraang taon.
Limang participants galing sa Pilipinas ang nakasama na mga
aktibong members ng Urban Sketchers-Manila, sila ay sina Nice Rodriguez, Meg
Roxas, Dindin Cruz, Solo Galura, Karol Ann Antonio, at ang inyong lingkod.
Dahil napakarami ng kasali galing sa iba-ibang bansa ay hinati sa 12 na grupo
ang mga kasama, pianghiwa-hiwalay ang mga magkakalahi para maging daan na rin
upang magkapalagayan ng loob ang bawat isa.
Sa loob ng apat na araw ay nilibot ng grupo ang mga main
tourist spots ng Bangkok at dinrowing ito isa-isa. At siyempre, sa unang araw
pa lang ay una na nilang pinuntahan ang Grand Palace kung saan nagbigay sila ng
respeto sa hari ng Thailand na si King Bhumibol Adulyadej na namayapa
kamakailan lamang.
Bakit sketching? Ito ang reaksyon ng mga artist at hobbyist
sa mabilis na takbo ng buhay lalo na sa kasalukuyan na lahat ay kontrolado na
ng computer. Tayo ay nabubuhay sa digital age kung saan isang pindot mo lamang
sa camera ay makukuha mo na ang lugar na iyong napuntahan, ang iyong kinakain,
ang larawan ng mga nakikilala mong tao. Sa pamamagitan ng sketching,
napapabagal mo ang takbo ng oras at mas lalo mong naa-appreciate ang bawat
sandali dahil habang dinu-drawing mo ang isang lugar, o bagay, ay mas
natititigan mo ito ng husto. Nadidiskubre mo ang ilang detalye na hindi mo
napapansin kung kukunan mo lamang ito ng camera.
Sa katunayan, ilang members ng Urban Sketchers-Philippines
ang nagsabi na mula nang sumama sila sa grupo at nagsimula silang mag-sketch ng
lugar na kanilang tinitirhan, dinadaanan at pinupuntahan, ay marami silang
nakikita na hindi nila gaanong napapansin noon.
Nito lamang mga nakaraang taon nang mabalitang gigibain na
ang gusali ng El Hogar sa Manila ay nagkasundo ang mga sketchers na pumunta sa
harap ng lumang gusali at i-drawing at ipinta ito bago pa man ito ipagiba ng
gobyerno. Ngunit dahil kumalat ang mga drawings at sketches sa social media at
sinamahan pa ng mga captions na dapat i-preserve ang mga historical structures,
gaya ng El Hogar, ay narito at nakatayo pa rin ito.
Dangan nga lang ay mukhang hindi pa gaanong aware ang
lipunang Pilipino sa mga ganitong pagdu-drawing outdoors, na tinatawag na
sketchwalk, dahil nang minsang magsagawa naman ng sketching session ang Urban
Sketchers-Manila sa Farmers Market sa Cubao ay pinahinto sila at pinapakunan pa
ng permit. Siguro, isyu ito ng seguridad para sa pamunuan ng Farmers, ngunit
para sa mga artist, matagal na itong gawain ng mga alagad ng sining simula pa
nang panahon nina Michealangelo at Da Vinci kung saan talagang lumalabas ang
mga artist para magpinta. Sa mga bansa sa Europa, natural na tanawin ito kung
saan makakakita ka ng mga artist at pintor na nakakalat lang kung saan-saan
para i-capture ang kagandahan ng paligid. Isa rin ito sa adbokasiya ng grupo
kung saan dapat matutong mag-appreciate ang Pilipino sa ganda, hindi lamang ng
sining, kundi ng paligid na kanilang ginagalawan.
Ang samahang Urban Sketchers ay international organization
at halos lahat ng bansa sa mundo ay mayroong counterpart nito. Sa Pilipinas,
bukod sa Manila group, ay mayroon na ring sketchers sa Ilocos, Baguio, Cebu, at
Capiz.
Sa huling araw ng malaking sketchwalk na ginanap sa Bangkok
ay nagbigay ng kani-kanilang presentation ang bawat bansa. Isa sa magandang
nagsalita ay ang representative mula sa China kung saan sinabi niya na dahil
limitado ang social media sa China na nakakasagap ng impormasyon mula sa ibang
bansa, naging malaking daan ang Urban Sketchers upang maging bukas ang ilang
tao sa kanila sa mga kaganapang gaya nito. Ang grupo naman ng mga Pilipino ay
nagpakita ng kultura ng papalapit na Pasko sa Pilipinas kung saan maaga itong
nagsisimula, puno ng ilaw ang paligid hindi lamang hanggang sa Pasko kundi
umaabot pa ng Enero. Ang presentation naman ng Thailand ay ang buhay ng
kanilang hari kung saan halos lahat ng tao na nasa bulwagan ay tumulo ng luha.
Nagkaroon din ng exhibitions ang lahat ng kasama at idinespley sa bulwagan ng C
Asean building.
Sa 2017 ay naka-schedule na ang dalawang malaking event ng
sketching sa Asya at ito ay gagawin sa Beijing, China at Bandung, Indonesia.
Isa ring malaking pagtitipon ng Urban Sketchers World ang gagawin sa Chicago
USA sa kalagitnaan ng taon.
Sa kabuuan, ang event na ito ay napakalaking tagumpay ang
inani, hindi lamang sa mga artists na naging magkakaibigan, kundi sa magandang
samahan ng mga Asean at Asian countries. Ayon nga sa organizer sa huli niyang
pananalita, ‘At the end of the day, it’s not about drawing, it’s about people.’
Sketchwalk 2: Ikaapat na araw na ginanap sa C Asean building sa Bangkok kung saan nagtipun-tipon ang 12 grupo para sa presentation ng bawat bansa. Kuhang larawan ni Tungtong Singapore. |
Sketchwalk 4: Mga members ng Urban Sketchers galing sa iba’t ibang bansa habang nagpapakuha ng larawan sa gitna ng Wat Saket sa Bangkok. |
Sketchwalk 10: Parang isang malaking artist invasion ang nangyari kung saan nakakalat sa lahat ng sulok ang mga sketchers. |
No comments:
Post a Comment